Martes, Hulyo 26, 2016

Mababaw nga ba tayo?

Mababaw nga ba tayo?

ni Ivan Cubinar
(Reaksyon sa artikulong "why we are shallow" ni F. Sionil Jose)

Layunin ng may akda na si F Sionil Jose na iparating sa mga mambabasa kung bakit sa tingin nya ang mga Pilipino ay mababaw. Ipinarating niya ito sa pamamagitan ng isang artikulo “ Why we are shallow “. Sa akdang ito kanyang ibinahagi ang kanyang mga saloobin at opinyon kung bakit sa tingin nya ang mga Pilipino ay mabababaw.

Ako bilang isang kabataang Pilipino aking inaamin na ang mga Pilipino ay madalas mababaw. Isa sa halimbawa nito ay ang pagbibigay puri ng mga Pilipino sa halos lahat na ginagawa ng isang Pilipino sa mga timpalak lalo na sa ibang bansa, ito ay hindi masama ngunit minsan ay hindi binibigyan ng mga Pilipino ang mga banyaga ng tamang pagkilala sa kanilang mga talento. Ito ay isa sa mga nagpapatunay sa mga sinabi ng may akda sa kanyang artikulo. Akin rin sinasangayunan ang kanyang sinabi na ang mga Pilipino ay madalas mayayabang o mapagmataas. Ating madalas na pinagmamalaki ang ating mga bagong damit, sapatos, gadyet at iba pa sa mga social media tulad ng facebook at Instagram. Ating rin pinagmamalaki ang ating mga karanasan o kaalaman na hindi pa nararanasan ng ating kapwa.

Akin din inaamin na madalas malaki ang tiwala natin sa ating mga sarili na nakakalimutan na natin ang ating mga kahinaan. Isinulat ng may akda sa kanyang artikulo na “we accept positions far beyond our competence.” Aking inaamin na madalas tayong tumatanggap ng mga trabaho o kaya naman mga posisyon na alam natin na hindi tayo kwalipikado sa trabaho o posisyon na iyon. Sa aking palagay ating tinatangap ang mga ito dahil gusto nating maging mapagmataas. Ating iniisip na kung may ganito akong titulo ako ay titingnan ng ibang tao ng may respeto. Ngunit hindi kailangan ng isang tao ang anumang titulo upang siya ay respetuhin ng kanyang kapwa.

Nabanggit rin ng may akda ang mga programa o teleserye na mas pinipili ang katanyagan kaysa sa kaledad. Ako ay sumasangayon sa may akda na mas pipiliin ang mga banyagang palabas kesa sa ating sariling mga programa o teleserye sapagkat ang mga banyagang palabas ay mas nakakapagbigay kaalaman sa atin. Sa kahit anong oras mas pipiliin ko pang manood ng Discovery channel kaysa manood ng isang pilipinong teleserye. Hindi ko sinasabi na lahat ng nagawang teleserye ng Pilipino ay walang magandang maidudulot sa buhay ng tao. Ang ibang lumang teleserye ay puno ng mga leksyon sa buhay na maaring magamit ng isang Pilipino sa kinalaunan.

Nabanggit rin ng may akda na tayo ay mababaw sapagkat tayo ay hindi nagbabasa. Akin inaamin na isa ako sa mga pilipinong nagbabasa ngunit hindi ito isang libro o aklat na puno ng leksyon o aral. Madaming Pilipino ngayon ang nahihilig sa wattpad, comics at iba pang libro o aklat na walang maibibigay na leksyon o bagong kaalaman.  Ako ay napaisip mababaw ba ang Pilipino dahil sa kanyang mga binabasang libro? Ayon kay James Lee Valentine “Ang pagbasa ay ang pinakapagkain ng ating utak.” Kung pagbasa ay pagkain ng ating mga utak tama lang ba na ang ating ipakain sa ating mga utak ay wattpad, comics at iba pa. Sa aking opinyon hindi, sapagkat kung ito an gating ipapakain sa ating mga utak tayong mga Pilipino ay mananatiling mababaw.

Aking hinahangaan ang may akda na si F Sionil Jose sa pagsulat ng isang artikulo na naglalaman ng mapait at negatibong bahagi ng isang Pilipino at alam ko na marami sa mga nakabasa ng artikulo na ito ay sumasang-ayon sa mga sinabi ng may akda, ngunit bakit mapait at negatibong bahagi lang ng mga Pilipino ang ipinakita. Maraming magagandang katangian ang mga Pilipino ang maaring ibahagi sa mundo. Ang mga Pilipino ay masipag sa trabaho, dedikado sa mga ginagawa, matiyaga at mapagmahal. Ang mga Pilipino ay handang magsakripisyo para sa mahal sa buhay, magpakapagod sa ibang bansa para lang mabigyan ng maginhawang buhay ang pamilya.

Alam natin lahat na ang artikulo na isinulat ng may akda ay kanyang opinyon lamang kung bakit mababaw ang mga Pilipino ngunit ang mga Pilipino ay taong lamang din nagkakamali at natutukso tulad lang ng ibang tao ngunit hindi pa rin ito nagbibigay sa atin ng karapatan na sabihan na mababaw ang isang tao. Ang mga Pilipino ay may kakayahan na gumawa ng ingay sa buong mundo at sa aking palagay may kakayahan rin ang mga Pilipino na mapaunlad ang ating mga sarili upang wala nang makakapagsabi sa atin na tayo ay mabababaw.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento